Tuesday, January 16, 2007

Last post

sa buhay maraming pagbabago...

nag e-evolve ang mga hayop at tao...

change is inevitable,

sa ayaw mo o sa gusto, kailangan mong magbago...




last post ko na po ito sa blog na ito...

lilipat na po ako ng bagong lugar...

pero puno pa rin ng kalokohan ko...

salamat sa pagtangkilik nyo...



see you around...



eto po ang bago kong link...

http://inversetutuldok.blogspot.com

Wednesday, December 27, 2006

Tabing-ilog

Tuwing sasapit ang bagong taon, laging pumapasok sa isip ko ang mga kaibigan ko nung bata pa ako sa aming lugar sa Palanan na kung tawagin ay ‘looban’. Pumupunta kasi kami ng Roxas Boulevard (Boom na Boom) tuwing pagkatapos ng Pasko at magdamagan kaming magpapakasaya doon. Sila sina:

1. Dennis aka Tasyo (hango sa komik strip na Tasyo, yung malaki ang ipin)
2. Allan aka Komang (baluktot kasi ang kaliwang kamay nya, kapag kaharap mo sya, parang no. 17 ang dalawang braso nya)
3. August aka Putakte (mahilig maglaro sa mga tae ng aso)
4. Renato aka Nuno (Junior kasi ‘to, pero hindi masabi ng tatay nya yung junior, ‘nuno’ lang ang naririnig namin)
5. Joel aka Kwatog (mukha syang kwatog, yung maliliit na taong malaki ang ulo tapos walang leeg)
6. Jonjon aka Hipon (baluktot kasi ang hinliliit nya na parang hipon)
7. Julius aka Jakol (nahuli kasi ng ate nya na nag….)

(at wag nyo nang alamin kung ano ang codename ko…)

Ang tawag namin sa grupo namin ay Riverside Boys (rb) at hindi ko na explain kung bakit. Lumaki kaming magkakasabay sa iisang lugar, ako, si Dennis, Allan, August at Renato ay magkakasing-edad, samantalang sina Jonjon at Julius naman ay mas bata sa amin ng isang taon at si Kwatog ay di namin alam ang edad kasi taga ibang planeta ito.

Madaming pinagdaanan ang barkadahan namin at gaya ng ibang mga kabataan, ang naging common denominator namin ay ang babaw ng kaligayahan namin.

Bago pa man nauso ang mga trading cards, pinagbuklod na kami ng teks, yung maliliit na postcard na merong kwento. Nung kumalat ang BayBlade Craze, turumpo ang naging pambato namin (si Allan ang laging baldog kung tumira kaya parating sugatan ang turumpo nya). At hindi bowling ang uso sa amin kundi tatshing at jolen na babasagin. Ang mga action figures ngayon na napakamahal ay libre lang naming nakukuha sa mga chitchirya sa tindahan, yun nga lang maliliit lang ito at hindi nagagalaw yung mga kamay. Para sa amin, sapat na ang mga laruang ito para pagtibayin ang aming malalim na samahan at mababaw na kaligayahan.

Halos sabay-sabay din kaming natutong umibig at magkaroon ng crush. At dahil iisa lang ang ikot ng bituka namin, sa iisang babae rin kami nahumaling. Si Shiela, ang crush ng bayan. Kahit matindi ang pustahan sa basketbol at medyo nagkakapikunan na, pag dumaan si Shiela akala mo namatanda kaming lahat. Tatahimik, magngingitian at magyayakapan, meron pang umiiyak sa tuwa.

Nung bumuo kami ng basketbol team, wala nang ibang pumasok pa sa isipan namin kung sino ang kukuning muse. Unanimous decision at no objection. Pero sa ganda ni Shiela, walang naglakas loob na manligaw sa barkada namin sa kanya. Langit at lupa kasi ang laban. Maputi si Shiela samantalang kami ay kulay tutong; mabango sya samantalang kami ay amoy ilog; mayaman sya pero kami ay mayaman din… sa kurikong nga lang. Si Shiela ang epitome ng dalagang Pilipina para sa amin. Kamakailan, nakita ko si Shiela sa isang mall sa Makati, nakilala nya ako at binati. Kasama nya ang kanyang dalawang anak at asawa. Medyo tumaba ng konti si Shiela pero maganda pa rin.

Sa halos lahat ng bagay, hindi kami makakilos kapag walang kasamang barkada. Kami-kami ang nagpapalakas ng loob namin sa isa’t isa. Mapa-basketbol, balibol o rambol, sama-sama pa rin kami. Maglinis ng ilog, mag-igib ng tubig, magkabit ng banderitas, manguha ng basura, taguan sa garden, mamitas ng aratilis, magpahabol sa aso, asarin si Allan at abangan si Shiela ay iilan lamang sa aming mga group activities.

Minsan, naiiyak ako kapag naaalala ko yung aking kabataan, yung aming samahan at yung aming mumunting kaligayahan.

Pinaghiwalay kami sa isa’t-isa ng tadhana. Giniba ang ‘looban’ na aming tinitirhan na syang naging kanlungan ng aming kabataan. Napilitan kaming humanap ng kani-kaniyang titirhan. Masakit man para sa amin ang magkahi-hiwalay, naging dahilan naman ito para matuto kaming tumayo sa sarili naming mga paa.

May kani-kaniyang pamilya na kami ngayon maliban kay Julius (na hanggang ngayon ay nag…… pa rin) at kay Allan (na balak magpari). At kung dati ay laruang ‘teks’ ang nagbubuklod sa amin, ngayon ay ‘text’ pa rin naman (iba nga lang ang ispeling).

Kung nasan man kayo mga Riverside Boys, gusto kong malaman nyo na naging malaking bahagi kayo ng buhay ko at mahal na mahal ko kayo.

Happy New Year!

Wednesday, December 20, 2006

Driving Me Crazy

Aaminin ko na sa lahat. Sa idad kong ito, wala pa akong lisensyang magmaneho. Oo, tama ang nabasa mo –

w a l a a k o n g d r i v e r ‘ s l i c e n s e .

Katwiran ko kasi, wala naman akong kotseng imamaneho kaya bakit ako magmamaneho. Lagi ko kasing naaalala yung sabi ng lolo ko sa akin, ‘Cross the bridge when you get there’. Sabi ko naman, ‘bridge over troubled water’.

Kamakailan lang, nag migrate na sila utol sa Amerika, sa Las Vegas (lugar ni Pacquiao). Hindi sila nagkaron ng pagkakataon na mag garage sale pero dahil lab ako ni utol, nakakuha ako ng tatlong mga bagay na kapaki pakinabang na hand-me-downs.

1. Sanwa Digital Multitester –
2. Electrical Circuit Tracer
3. 1996 Mazda 323

Oo, tama ang nabasa mo –

w a l a a k o n g d r i v e r ‘ s l i c e n s e .

(music background ng Overdrive ng Eraserheads)



Dito nagsimula ang problema ko.

Unang-una, hindi ako sanay magmaneho. Nung nasa elementary kasi ako, naglalaro kaming magkakaklase sa loob ng kotse ng tatay ng isa kong kaklase – ako yung driver at yung mga kaklase ko ang mga pasahero. Tuwang-tuwa kasi ako dun sa busina nung kotse kaya nagprisinta akong drayber. Sadyang mabilis ang mga pangyayari, biglang gumalaw yung sasakyan namin pababa sa kalye. Sa isang iglap, nabago ang eksena sa loob ng kotse. Para kaming mga langgam na nabulabog ang bahay, hindi alam ang gagawin. Bumangga yung kotse namin sa isa pang kotseng nakaparada sa labas, malaki yung damage. At dahil ako yung drayber, ako yung sweet lover este sa akin yung sisi ng lahat. Hanggang ngayon di ko makalimutan yung eksenang yon. Kaya sadyang napakahirap sa akin ang mag aral magmaneho.

College na ako nung sumubok akong magmaneho ulit. Dahil sa tindi ng beer and peer pressure, napaandar ko yung sasakyan ng kaklase ko nang mga sampung metro sa isang iskinita na walang ilaw. Isang pusa ang naging biktima ko at ako, biktima ng isang initiation.

Mahigit isang buwan na ngayon akong nagmamaneho at linggo-linggo papalayo nang papalayo ang aking pinupuntahan. Kung dati eh paikot-ikot lang ako dun sa loob ng bahay namin este ng village namin pala, ngayon nakakapunta na ko sa malalayong lugar gaya ng International Airport sa Paranaque at SM North Edsa sa Quezon City. Isusunod ko na nga ang Laguna at Mall of Asia tapos next ko na ang Baguio, hehehe.

Nakakawili magmaneho at mag-alaga ng sasakyan, ang problema ko lang ay lumalaki ang gastos ko sa bahay, para akong nagkaanak nang isa pa. Kasabay na nang pagbili ng gatas ng anak ko ang pagdede rin ng kotse ko ng gasolina. Walastik talaga.

Minsan sinubukan kong makipag karera sa isang trak ng basura. Sa isip isip ko, hindi nito kayang magmabilis kasi sa bigat nito. Nung simula ay tinatabihan ko lang sya pero nang di na ko nakapagpigil, humarurot na ako. Kumain sya ng alikabok sa akin, at ako naman nilanghap ang bango ng kanyang mga basura. Huli na nang mapansin ko na sira pala ang aircon ko. Hindi ko tuloy alam kung sino ang nakalamang sa amin.

Hindi ako magaling magmaneho, hindi rin ako perpektong drayber. Minsan may mga maling diskarte din ako pero natututo ko sa mga bawat pagkakamaling iyon. Kung mag-krus man ang landas natin, pwede mo akong murahin pero dapat nakangiti ka, because I believe in the saying na, ‘Basta drayber, sweet lover!’, sabay kiss mo ko.

Friday, November 10, 2006

bayograpi kuno!

Matagal ko na syang kakilala, halos sabay kasi kaming namulat sa mundong ito. Lahat halos ng mga nangyari sa buhay nya, maaalala ko kapag kinuwento nya sa akin. Kumbaga, sisimulan nya yung kuwento, ako ang tatapos, ganon ko sya kakilala. Ako ang kaliwang pisngi ng puwet, sya naman ang kanan.

Elementary pa lang kami, gumagawa na sya ng pangalan. Walang titser dun sa eskwelahan na hindi sya kakilala, ultimo janitor, naka rubbing elbows nya. Honor student ang kaibigan ko, consistent, ayaw papatalo. Minsan, sinubukan kong tapatan yung talino nya pero di ako umubra, kumain ako ng alikabok kakahabol sa kanya. Nakita ko kung gaano sya kasipag mag aral at kung gaano nya binigyang importansya ang pag-aaral kahit minsan pumapasok syang walang baon. Hindi sya mayabang sa ibang tao pero sa akin kulang na lang liparin ako sa lakas ng hangin.

Grade 5 kami nung maranasan nyang matalo, dinaig kasi sya ng kaklase namin sa eleksyon sa Student Council, nilampaso sya, halos no match ang laban, iniwan sya sa kangkungan. Masyado nyang dinibdib yung pagkatalo nya kahit may likod pa sya. Nakita ko syang umiiyak sa Boy’s CR, hindi nya raw kayang tanggapin yung resulta nung eleksyon. Sabi ko na lang sa kanya na magpalit sya ng salawal kasi basa na sa luha yung suot nya, lalo syang humagulgol. Yung titser namin sa Math ang nagpakalma sa kanya. Meron kasing sinabi yung titser namin na Ingles na tungkol sa door, close, window at open… parang nursery rhyme pero ang gandang pakinggan. Pagkarinig nya non, tumigil na sya ng iyak, ako naman ang napaiyak kasi di ko naintindihan yung sinabi ni titser sa kanya.

Gumradweyt kami ng elementary pareho, syempre Valedictorian si loko, nasabi ko bang simula Kinder hanggang Grade 5 ay First honor sya tapos Valedictorian nung grade 6 (ang lupit di ba?), syempre proud si ako, pambansang sidekick eh.

Public school pa rin ang binagsakan namin nung high school. Medyo kapos pa rin kami sa budget sa eskwela. Kahit malaki ang pinagkaiba nya sa Elementary, dito sa High School, parehas pa rin ang kwento ko, ang pinagkaiba lang mas maraming karakter na nadagdag, may super bida, may super kontra bida, may love interest at may love triangle din. Ako, sidekick pa rin ang papel ko, taga document ng buhay ng kaibigan ko, official biographer.

Mas exciting ang High School, mala langit na impiyerno. Madami kaming naging kaibigan dito, as in tunay na mga kaibigan. Pero syempre kami pa rin ang mag best friend. Nagkaron ako ng crush pero sya wala. Isa't kalahating torpe kasi ang loko. Siya na nilalapitan, siya pang umaayaw, tanga.

Maraming challenges ang high school, para kang contestant ng Amazing Race. Matitindi ang subject na kasing tindi ng peer pressure. Pero yung bida sa kwento ko, di nagpapatalo. Sunod sunod ang award na dinadala nya sa school namin, hectic ang extra-curricular activities nya at sumasabay pa sa academics. Idol talaga. Naging Ten Outstanding Student sya, halos perpekin ang NCEE at sumali sa mga Quiz Bee.

As usual, naka gradweyt ulit kami ng high school. Kung ako ay isang beses lang umakyat sa stage, sya lima ata. Nakakainggit pero nakakatuwa. Isa lang ang ayoko nung graduation, yung farewell song… nakakainis yon, pinaiyak ako.

Kapag halos parehas na ang hininga nyong magkaibigan, mahirap nang lumayo sa isat isa. Sabay pa rin kaming nag college at parehas din kami ng course, of course. Pero dahil ibang iba ang college, na culture shock yung kaibigan ko, nanibago. Sa isang sikat na eskwelahan sa Intramuros kami nilamon nang buong buo. Dahil hindi sanay sa kalokohan, nilamon kami ng sistema. Jungle ang college, gaguhan, gamitan, kung papagamit ka lang, wala kang mapapala. Naging tigre ang dating maamong pusa.

Sa college, nagloko yung kaibigan ko. Natuto syang uminom at manigarilyo nang wala sa lugar. Nagkaron sya ng sariling barkada, ganon din ako, pero paminsan minsan, ako pa rin ang best friend nya. Nung una syang bumagsak sa isang subject, dinoktor nya ang grade nya para di mawala ang scholarship nya. Pinagsabihan ko sya pero di sya nakinig. Magugulat daw ang pamilya nya kapag nalaman na may bagsak sya, maiiba daw ang packaging nya. Lumusot si gago. Ako napipi.

Napasok sya sa fraternity, pero dahil di kaya ng katawan nya, napilitan syang lumabas kasi kung hindi, ako mismo bubugbog sa kanya. Kung ano ang pagka straight nya nung elementary at high school, ganon din ang pagkaliko nya sa college. Hindi lang sungay ang lumabas sa kanya, tinubuan din sya ng buntot. Halloween non nung regaluhan ko sya ng tinidor. Hanggang ngayon di nya pa rin alam kung para san yung tinidor na regalo ko.

Akala ko tuluyan nang mawawala sa akin ang kaibigan ko, hindi pa pala. Sa college nya nakilala ang babaeng nagpatibok ng puso nya. To the rescue si kupido sa pagkakaibigan namin at sa buhay nya. Laking pasalamat ko pero hindi overnight ang pagbabago nya, medyo natagalan din yon at hindi naging mdali para sa kanya. Maraming nasaktan, nasakripisyo, nagamit at umiyak pero yung thought na gusto nyang magbago ang bumubuhay sa pagkakaibigan namin.

Muntikan na syang di gumradweyt ng college, buti napayagan yung maximum load nya na 28 units. Nung nakita ko syang umakyat ng stage, naiiyak ako sa tuwa. Tuwang tuwa ako para sa kanya at syempre para sa mga magulang nya.

Naging licensed engineer ang kumag at ngayon ay nagtratrabaho sa isang multinational na kumpanya. napangasawa nya rin yung naging crush nya nung college, sila rin pala magkakatuluyan. Dalawa na ang anak nya at balak pa atang humirit ng isa pa.

Miss na miss ko na itong kaibigan ko, bukas magkikita kami sa isang lugar. Dalawa lang kami, iinom, magkukwentuhan at syempre magtatawanan. May okasyon kasi bukas, sabi nya magpapasalamat lang daw sya sa akin. Sabi ko pasalamatan nya yung asawa nya kasi andun yung turning point ng buhay nya... nung nakilala nya yung asawa nya.

Nevertheless, nagpapasalamat pa din ako at nagbago ka, sana tuloy-tuloy na to at wala ng makakapigil pa. Kita tayo bukas kaibigan.

Sya nga pala, Happy Birthday sa yo, kaibigan kong Edong.

Saturday, October 28, 2006

Abu Sabayaw Buhay Pa (?)

Isang makalaglag-tutuling balita...

(Ang balitang ito ay handog sa inyo Pank Cola, ang softdrinks ng mga labandera...)

Namataan diumano sa isang surveillance camera sa isang upuan sa isang arcade sa isang mall sa isang lugar sa Mandaluyong ang napabalitang patay na na lider ng notorious group na Abu Sayaww. Sinusubukan diumano nito ang mag internet don sa loob ng arcade para magbasa ng Friendster nya. Ayon pa sa report, mukhang mabilisan lang ang paggamit ni Abu Sabayaw ng internet kasi hindi ito maka-konek pero nagtagal din sya don sa arcade dahil tinuruan nya yung isang bata na mag DOTA.



Kuha ng isang surveillance camera sa ilalim ng upuan.

Tuesday, October 24, 2006

Silhouette Man

Linggo. Araw ng pahinga…

…ng katulong namin, kaya sa akin nakatoka ang paglalaba ngayon. Dating labandera ang nanay ko pero hindi niya naipasa sa akin yung galing nya sa paglalaba (tagasampay lang kasi ako non). Kaya eto ako ngayon, dependent kay washing machine. Kung makakainuman ko lang sana itong si Samuel Middlekauf, sasabihin ko sa kanya kung gaano kaganda yung imbensyon nya na washing machine, at ki-kiss ko pa sya sa noo. Mwah.

Automatic ang washing machine namin. *yabang* Isasalang mo lang yung mga damit, buksan yung gripo, maglagay ng sabon at konting pindot sa control panel ng washing machine at… presto! Sya na ang bahala sa makabagbag-damdaming banlaw-piga routine exercise. Antayin mo na lang matapos yung ikot at isasampay mo na lang yung mga damit. Ganon kahirap ang toka ko. Nakakainis ‘no(?)

Natapos akong maglaba alas diyes impunto, tamang tama sa kasikatan ng araw para sa pagsasampay. Bitbit ko yung isang batyang damit at sipit, umakyat ako sa bubong ng kapitbahay namin. Matindi ang sikat ng araw non, tagaktak ang mga pawis ko, amoy singit na ko at dahil wala akong damit pantaas, ramdam na ramdam ko ang pagbaon ng bawat sikat ng araw sa balat ko, naguunahan sila, para silang mauubusan.

Nung bata ako pinangarap kong maging si Michael Jordan, super idol ko sya. At dahil sa mga pangyayari sa bubong nung umagang yon, muntik ko nang matupad yung pangarap ko. Naging kakulay ko si Jordan. Sa dami ng nilabhan at sinampay kong damit, bawat segundo sa bubong na yon ay para akong taong nagiging anino. Nagtra-transform, nagmyu-mutate.

Natapos ako malapit nang mag alas-onse at malapit na ring kumulot yung buhok ko. Nung pumasok ako sa pinto namin, napasigaw yung anak ko sa takot. Akala nya may ibang tao na nakapasok sa bahay. Feeling ko non, mutant ako at ang super power ko ay mangain ng anino, hehehe.

Make way for Silhouette Man!

Tuesday, October 17, 2006

Every Drop Counts!

Isa sa mga pinapatulan naming contests sa kumpanya namin tuwing EMS week ay yung Inter-Department Bulletin Board. At ngayong taon ay hindi namin ito pinalampas.

Ako ang pasimuno ng lahat, hindi dahil ako ang pinakamagaling kundi dahil, ako ang pinakamatanda sa amin, seniority daw kasi eh. Ok lang naman sa akin yon kasi halos buwan lang ang lamang ng idad ko sa kanila, hehehe.

Dahil ako ang pinaka mapapel sa amin, ako na ang nanguha ng mga artists na bubuo sa team namin.

Si Jervis – dating school organ editor at batikang blogger, matindi bumanat ng mga essay at radical ding mag isip. May konting inclination sa photography at pornography, artist na artist ang dating. Tingin ko marami syang maitutulong sa poster namin.

Si Sugar – blogger barkada din, isang Mapuan na kumontra sa Malayan College na pangalan. Tibak. Palaban. Engineer. Mommy. Detailed magtrabaho si lola kaya malaking pakinabang sya sa amin.

Si Ayang – tubong Bacolod na di mahilig sa kanin, panay ulam lang ang kinakain, ingat kasi sa figure. Ito ang dahilan kung bakit ko sya kinuha, figure-conscious kasi. Kayang kaya nya kahit anong figure, dodecahedron sa loob ng tetra quadrilateral na rhomboid, panis sa kanya. Pero kung pano nya yun ginagawa, you have to figure it out.

Si Emmar – varsity player namin sa Sepak Takraw, lakas humataw. Kapag madalian, sya ang kailangan, ala Super Inggo ang powers nya, minsan nasa labas din brief nya (jok).

Si Anne – ang seatmate kong Adamsonian, benta kasi ang mga jokes ko sa kanya kaya natuwa ako at sinama ko sya sa team. Pero kung ano ang maitutulong nya sa project namin, wag nyo na akong tanungin.

Si Leah – sabi nya artist daw sya, pero kung anong art, sya lang daw nakakaalam. Tahimik, walang kibo, tahimik, walang imik at higit sa lahat tahimik… teka nasabi ko na ba na tahimik sya?

All star cast kami, panghakot ng award ika nga. Kung gagawa kami ng pelikula papamagatan ko itong, ‘Tanging Ina Nyong Lahat’… love story (Jervis) na may pagka action (Emmar) adventure (Ayang) at comedy (Anne) na reality-based (Sugar) pero silent movie (Leah). San ka pa?

Bukas ng alas tres ng hapon ang submission ng mga Bulletin Board, pero ngayon pa lang kami mag brain storming kung paano ang gagawin namin sa project namin. Ganon kami kakampante sa kaya naming gawin. Kasama kasi namin si Super Inggo.

Naging topic namin sa poster ay tubig, dahil sa aftermath ng bagyong Milenyo dito sa Laguna. Brain storming to the max ang nangyari, kanya kanyang ideya, style, pointers, suggestions at jokes ang mga binitawan pero si Leah no comment pa rin. Nagkakagulo na lahat, sya NR pa rin, kumbaga sa keyboard, space bar.

Tinapos namin yung Bulletin Board, kinabukasan na ng bandang 2:30pm, sakto para sa target naming alas tres.

Malupit ang kinalabasan, labor of love ba naman ng pitong engineer. Halika silipin mo.